Libong-kilometrong Pangungulila
Nagising ako isang araw, tinatanong ang sarili.
Ano naman kaya ang gagawin ko ngayon?
Panigurado wala na naman, nakababagot.
Nakababagot 'yong gigising ka, mag-aalis ng mga muta sa mata.
Maghihilamos at magsisipilyo sa harap ng salamin.
Biglang nakita ang sarili, tinatanong...
Tinatanong kung bakit parang may pakiramdam akong kakaiba.
Hindi malaman kung bakit ganito ang nadarama.
Bigla akong napatingin sa isang litrato,
Litratong mayroong mga ngiti sa labi
Na akala mo wala nang bukas.
Bigla kong napag-isip, bakit wala akong ganitong ngiti?
Masaya pero hindi ganitong pag-ngiti.
Nakakurba nga pero may kakaiba talaga.
Bakit gano'n? Bakit. Bakit.
Ang daming tanong, nasa isipan lang namamalagi.
Kailan ko kayo mahahagkan?
Kailan ko makikita ang mga ngiti?
Kailan ako gigising isang araw na wala na itong mga pangungulila sa puso?
Shet, ang daming tanong pero wala namang tandang-pananong.
Ang daming nararamdaman pero walang tandang-padamdam.
Ang daming sumusunod na mga salita sa kuwit.
Ang daming halimbawa pagkatapos ng tutuldok.
Ang daming nakapasok sa mga panipi na hinango pa sa iba.
Ang daming bumabagabag. Ang dami.
Pero ang katotohanan ay iisa lang naman talaga...
Iisa lang naman ang tanong
Ang dami pang dinamay na bantas.
"Bakit kahit nasa 'yo na ang lahat, may kulang pa rin?"
Parte pa ba ito ng mga bantas?
Parte pa ba ito ng larawang may mga ngiti na parang wala nang bukas?
O parte na ito ng buhay kong hinahanap sa kahapon ang naiwang bakas?
Ang ingay.
Hindi ko maintindihan ang mga tunog.
Hindi ko alam kung saan nanggagaling.
Basta isa lang ang sigurado ko,
Mayroong tumatawag sa pangalan ko.
Parang nasa kweba ang sumisigaw
Dahil sa ume-echo nitong tunog.
Bakit sa kabila ng mga maiingay na tunog na naririnig ng mga tainga ko,
Ito pa ang naririnig ko?
Ito pa ang dahilan kung bakit natigilan ako sa ginagawa ko?
Bakit ako nakararamdam ng ganito?
Tama ba ako ng naririnig?
Tinatawag niya ako sa pangalan kong hindi ko naman pangalan?
Bakit lumilingon ako at hinahanap ko ito?
Ang pinanggagalingan ng kakaibang tono.
Parang sumasayaw ang mga liriko sa mga tainga ko.
Ang ganda niyang pakinggan.
Ang sarap niyang sabayan.
Parang tinatawag ako sa isang sulok na walang kasiguraduhan.
Dapat bang makaramdam ng kasiyahan?
O dapat bang malungkot dahil ako'y nananaginip lamang?
Hoy, gising na.
Parang may gumising sa akin.
Pagkakita ko sa orasan, alas-tres pa lang.
Bakit ako nagising nang ganitong oras?
Parang ewan lang.
Bumalik ka na sa pagtulog mo.
Hindi ako makatulog. Tulong.
Bakit ang daming pumapasok sa isipan ko?
Heto na naman akong nakatingala sa kisame.
Parang tangang iiyak. Tutulo ang luha.
Malalasahan ang sariling iyak.
Sa hindi malamang dahilan.
Pagkaraan ng ilang minuto, nawala.
Napawi ang mga iyak.
Ang saya na lang bigla.
Ewan ko na lang talaga
Kung ginagago na lang ako ng tadhana
Kung nakikipaglaro siya,
Tumigil na, kasi nakapapagod din.
Nakapapagod na makipaglaro sa tadhanang 'yan!
Masaya sa 'yo pero sa akin hindi.
Ang daling kumunot ng mga noo.
Sa labing nakanguso, akala mo'y may itinuturo.
Nagbabakasali. Nagtataka. Naguguluhan.
Hindi alam ang dala ng kinabukasan.
Mukhang tanga, nakatingala sa mga tala.
Epekto pa rin ba ito ng walang katapusang mga bantas?
O epekto na ito ng pangungulila?
Bakit? Bakit ganito? Ang gulo naman!
Sa milya-milya mong layo,
Ang ganda mo pa ring tingnan.
Ang ganda mo pa ring pagmasdan.
Kahit ang hirap mong abutin.
Kahit nakaiiyak na titigan ang nagkikislapan mong mga bituin.
Dahil sa mga kislap mo, marami na akong naidalangin.
Ang hirap ilabas at sabihin.
Ang daming bumabagabag sa damdamin.
Comments
Post a Comment