Nasanay na sa pag-iisa ang minsang mga kamay na nangungulila sa isang araw kong pagkawala ng kinakapitang bisig at balikat na sinasandalan at marahil naging bunga ito ng pagtatantong ang pagmamahal ay tila nakasusuya nang putahe pero natatangi pa rin kung kaya't nasa lamesa na ang hinog na saging para sa kalamnan at ang paborito mong tsokolateng tinapay hinihiling na sana ang mga ito ang pumawi ng suyà habang ang mga pirasong nangalaglag pa rin mula sa maráhan mong pagnguya ay 'di lingíd ng mga matang sa iyo nakatingin na sa kabila ng mga hibla ng buhok nahuhulog sa aking balikat na bunga ng kalamlamán at paghahanap ng rason habang pilit na tinutulak sa sariling sasambulat ang bukas na ako ay tataya pa rin sa ‘di siguradong sa kabila ng bingit ng pagkawala at paralisadong estado, maging higit ang pagnanais na manatili.
Lualhati sa ama, ilawan ang ina ng mga batang lumalaban sa lansangan. Lualhati sa mga anak na mula sa dekadang sumupil, sa kanilang bukang-liwayway ang naging sandigan. Babae ang dangal, lalaking iniluwal; lalaking hinugot sa tadyang, ang kaniyang hiningang pagál. Walang-saysay yaring libong dasal-pulang láso man o kalimbahing asal ng dekadang pinipigilan sa pag-usal. Sa bukang-liwayway ang kalayaan; Ang nakaambang pagdatal ng daluyong mula sa rumaragasang dugo at ang lapot nitong nakakubli sa mga páhina ng mga dustang aklat. Ang wikang tinta, tonong pagsamo't pakikibaka, ang aking taál. Lualhati sa mga ama, sa mga anak na hindi pa naluluwal; legasiyang sumibol, higit pa sa mga pilas ng mga akda. Lualhati sa espiritung sa kanya'y tatahak, at sa sansinukob niyang walang magtatangkang yuyúrak.