Kinalakhan ko ang sabi-sabing
nasa piso si Rizal upang madaling maabot ang mga tao.
Naalala ko at pinakatitigan
ang kaláwang ng baryang ito
ay ilang taon na ring naglalakbay:
pinambayad ng mga alaala;
naging kapalítan ng kendi;
gamit pangkiskis sa kongkreto;
pinang-ukit sa pangako ng pagmamahal sa isang bato.
Hanggang sa ipinambato sa fountain
na kinalakipan ng pangakong pagmamahal
o dalangin ng kagalingan.
Ang pagpapahalaga ay humigit sa pisikal na
hitsura nitó—umikot-ikot hanggang sa maging
panagdag na lámang sa mga okasyon,
sa handaang hindi sapat ang limang pirasong perang papel.
Pisong Rizal, kawawang káwal ng lipunan;
naging limitado sa sukling kung minsan
ang pagtanggap ay labag sa kalooban.
Kabaligtaran sa mga naniniwalang magsasabing
siya ay minsang nanahan sa ilalim ng marmol—
nakahimlay nang walang pag-aalinlangan
kung paano iikot ang sikulo
na kinabukasan ay magmumula sa gatilyo
ang kanyang kamatayan.
Sapagkat dalawa lamang ang bahagi ng barya:
ang tao at ang ibon—
isang tagô, isang malaya.
isang búhay, isang buháy,
at iikot ito sa hangin na parang nakawalang gamugamo.
At isusulat sa pluma kung paanong
ang piso ay isa nang pandagdag-kalawang sa
isang selebrasyong pahingahan ng hapóng katawan
ng masang manggagawa.
Umiikot na lamang na may sariling sikulo:
hanggang may butas na kaya itong higupin;
sa estero ng Maynila
na parang kumunoy sa mga paang
may pagtatangkang suungin,
hanggang ang kalawang ng baryang nito, sa kabila ng paglalakbay, ay mananatili.
Comments
Post a Comment