Kung ang bawat lubid na hawak ko ay
sumusukat sa tatag ng aking pananampalataya,
huwag mag-atubiling lagyan ang bawat dipá
ng alambre
habang ang mahabaging Diyos ay nasa hawlang mababasagín: hitík sa mga bulaklak—plastik, sintetiko, sintetiko
ang paniniwala ko,
sapagkat kayà kong humulma nitó
habang tinutulak ako ng lupón ng
kapulisang hindi batid ang dasal kong dalá.
Bakit ako tinutulak ng kapulisan sa pagtawid sa
tulay na sarado? Hindi ba nila ako naiintindihan,
at
ang aking inang
nasa aking balikat; sa kabila, ang
aking amang uugod-ugod ngunit
kapantay ng mga paa kong
tumatapak nang walang sapín,
habang dinadampi sa kulubot na mukha ang
bente-pesos na bimpong binili sa Divisoria
para lámang sa okasyong ito,
para lamáng sa okasyong ito. Ika:
"Anak, ang baryang ipinambili
ay gáling sa Diyos,
pero ang kapahamakan sa pagtapak ko
ay hindi ko matatatap.”
Uminom ako ng de-boteng tubig:
isang lagok kaalinsabay ng kilometrong
sakripisyong pagliligtas.
Isang lagok, dalawang dagok,
ako ay kalahok sa Traslacion;
para saan pa't ibulsa ang de-boteng wala nang laman,
lalo pa't kung ang isa sa mga utos ng diyos
ay maglalang ng sementong lalapagan
ng plastik na minsang tumugon sa úhaw?
Hinatak ko nang hinatak ang lubid
na naging alambre—tinik sa ulo, tinik sa balát, habang
ang sariling dugo ay dumampi sa noo ng aking ina:
habang patuloy lamang kami sa paglalakad,
sapagkat mapagpatawad ang Diyos
sa taong handang sugatan ang sarili.
Comments
Post a Comment