I. PIGURIN
Sinasayawan ng mga tao ang piguring gawa sa gintong tonelada ang bigat
"Ay, ay! Ito ang rituwal ng kanilang nakaupong anito. Ito ang awit at ang sayaw na
Na ang tagpo ay sa hilaga. Ang sinag ng Araw ay wala sa
Libong dasal, kung 'di sa mapambuhay nitong mga galamay. Subali't
Umulan man ay wala pa ring apoy ang Araw na magpapainit sa nilalamig na mga kaluluwa.
Landas sa kanilang magliligaw sa kagubatang lumuwa sa kanilang paghihirap.
Ang pigurin ay bababa mula sa limang-talampakan niyang pedestal. Mula rito,
Ni anino ay hindi makikita ng mga tagasunod, ngunit at
Ang buntot na gawa sa limpak-limpak na salapi ay kikinang at makikita ang pagkabahag nito.
Narito ang tanso ng traydor, ang ginto ng ganid. Lahat ay
Gawa mula sa paghihinagpis at pagmamakaawa ng kanyang lipon.
Kung ito ay susukatin ng mga paa, hindi sasapat ang libong pulo ng bayan;
Ang kaliwa ay nakaturo sa Kanluran kung saan ang batayan, habang ang kanan ay sa Silangan na kung saan lulan ang sandigan.
Ganito ang impiyerno ng pagsamba sa piguring paghihirap ang tipan.
II. NG SARILI
Ako ay isang punong lumuluha ng dugo; kung ako ay magkakatawang-tao
Ang aking likod ay kukurba mula sa bigat ng pinapasan.
Nasa dulo ang unahan ng aking laban, at
Ako ay hinahabi ng karayom
Na may iba't ibang haba, nguni't iisa ang kulay.
Narito, ang aking mga tula ay isang saplot;
Gawa sa maninipis na hibla ng tela.
Lahat ng sulok nito ay nagbibigkis sa hapon,
O kahit sa gabi, sinasabayan ang langitngit ng mga kawayan, o ang
Oyayi ng mga Maya sa umaga.
Bago ko punuin ang salop, ito ang sa aki'y bati:
Kukurap nang kukurap ang mga mata hanggang sa lumuwa ang mga ito.
Uulitin ko nang uulitin habang diniriinan ko ang paggapos sa mga sambitla.
Nandiyan na sila! Ang natatangi kong lakas ay hinihila ng panahon, at lahat sila'y
Gagapusin ko gamit ang pinakamakapal na tela ng aking mga tula.
III. KAMATAYAN
Nagkatawang-tao ang kamatayan, at kung ito ay tatapak
Alikabok ang kahihinatnan ng bawa't daraanan nito.
Kung ito naman ay lilipad,
Alipin ako ng dalawa nitong pakpak na
Gawa sa kanyang sandaang halakhak.
Ako ba ay nasa langit ng mga ninuno?
Pasaringan ako ng mga salitang hindi ako makapagpapatuloy sa lupang patay
O sa impiyernong langit ng kanilang mga paniniwala.
Sapagka't ako ay lumisan na. Marinig mo sana ako,
Sapagka't ako ay lilisan na!
Aba, Ginoo, bakit narito ako kung walang humpay
Sa iyo ang pamimintuho? Ako na'y iyong itaas.
Ang krisis ko ngayo'y humahalakhak, at ako ay isang musmos na bihis ng mga luha.
Ragasa nang ragasa pababa sa akin hanggang sa ako ay anurin.
Ito ang pangalan ko: basahin Mo nang aking hawakan pang lubos.
IV. AWIT NG MAKASALANAN
Lingapin ang matigas ko nang puso,
Itong pagsusumamong walang tinig ay dinggin mo,
Nang aking mapagtagumpayan at makatamasa ng
Gawad ng Inyong buhay na walang hangganan
Paraiso kong alay ay ang natatangi kong wasak na tahanan.
Abo, abo, ako ay ibalik sa aking abo.
Gamit ang mga kamay na mapag-akay, ang minsan nang nagpalaya sa akin sa sinapupunan.
Kanlungan ko ang Iyong bisig na pumasan sa mundo.
Ako ay buhangin ng sariling pagsilang at kamatayan, nguni't hindi ba't
Lahat ng buhangin ay nakagagawa pa rin ng isang templo?
Umpisahan mo sa aking dulo; wakasin ang aking pagsamba sa
Garote na buhat sa aking pithayang mapambihag.
Manirahan sa templo kong gawa sa aking pinong pagkatao,
O kung ngayon man ay gumuho itong muli, at
Kung ang mundo man ay magwawakas, bakit ako muling magsisimula?
Comments
Post a Comment