Lualhati sa ama, ilawan ang ina ng mga batang lumalaban sa lansangan. Lualhati sa mga anak na mula sa dekadang sumupil, sa kanilang bukang-liwayway ang naging sandigan. Babae ang dangal, lalaking iniluwal; lalaking hinugot sa tadyang, ang kaniyang hiningang pagál. Walang-saysay yaring libong dasal-pulang láso man o kalimbahing asal ng dekadang pinipigilan sa pag-usal. Sa bukang-liwayway ang kalayaan; Ang nakaambang pagdatal ng daluyong mula sa rumaragasang dugo at ang lapot nitong nakakubli sa mga páhina ng mga dustang aklat. Ang wikang tinta, tonong pagsamo't pakikibaka, ang aking taál. Lualhati sa mga ama, sa mga anak na hindi pa naluluwal; legasiyang sumibol, higit pa sa mga pilas ng mga akda. Lualhati sa espiritung sa kanya'y tatahak, at sa sansinukob niyang walang magtatangkang yuyúrak.
Kung ang bawat lubid na hawak ko ay sumusukat sa tatag ng aking pananampalataya, huwag mag-atubiling lagyan ang bawat dipá ng alambre habang ang mahabaging Diyos ay nasa hawlang mababasagín: hitík sa mga bulaklak—plastik, sintetiko, sintetiko ang paniniwala ko, sapagkat kayà kong humulma nitó habang tinutulak ako ng lupón ng kapulisang hindi batid ang dasal kong dalá. Bakit ako tinutulak ng kapulisan sa pagtawid sa tulay na sarado? Hindi ba nila ako naiintindihan, at ang aking inang nasa aking balikat; sa kabila, ang aking amang uugod-ugod ngunit kapantay ng mga paa kong tumatapak nang walang sapín, habang dinadampi sa kulubot na mukha ang bente-pesos na bimpong binili sa Divisoria para lámang sa okasyong ito, para lamáng sa okasyong ito. Ika : "Anak, ang baryang ipinambili ay gáling sa Diyos, pero ang kapahamakan sa pagtapak ko ay hindi ko matatatap.” Uminom ako ng de-boteng tubig: isang lagok kaalinsabay ng kilometrong sakripisyong pagliligtas. Isang lagok, dalawang dagok, ako a...