Lualhati sa ama, ilawan ang ina ng mga batang lumalaban sa lansangan. Lualhati sa mga anak na mula sa dekadang sumupil, sa kanilang bukang-liwayway ang naging sandigan. Babae ang dangal, lalaking iniluwal; lalaking hinugot sa tadyang, ang kaniyang hiningang pagál. Walang-saysay yaring libong dasal-pulang láso man o kalimbahing asal ng dekadang pinipigilan sa pag-usal. Sa bukang-liwayway ang kalayaan; Ang nakaambang pagdatal ng daluyong mula sa rumaragasang dugo at ang lapot nitong nakakubli sa mga páhina ng mga dustang aklat. Ang wikang tinta, tonong pagsamo't pakikibaka, ang aking taál. Lualhati sa mga ama, sa mga anak na hindi pa naluluwal; legasiyang sumibol, higit pa sa mga pilas ng mga akda. Lualhati sa espiritung sa kanya'y tatahak, at sa sansinukob niyang walang magtatangkang yuyúrak.
"Comfort mostly lies in the depth of the words written."