Tinititigan ko ang mga tao— sa kanilang mga uri, sa mapupusyaw na salumpuwit. Mula sa amoy ng silog, Sa mga inuming nakapatong sa lamesang bilog. Ang aking ulirat at ang pagkawala nito nang mamasdan ang pagbukas ng pinto na lumuwa sa isang lalaking pinatingkad ng kanyang kuwintas— isang dipa mula sa kanyang mámaháling saping tumapak sa seramiko. Minsan itong tinayuan ng mga abugado, doktor, inhinyero, guro… ngayon ng aking mga balahibo. Saksi ang buhangin na tinabunan ng semento: salabat na kable, kahel na tumupok sa tatlong-daang dumagan ang bingit, isandaang nasulasok sa ragasang sumingit. Itulak ang pintong konektado sa mga bituka na humimlay sa isa’t isa sa balikong tarangkahan, nawa’y aking mahila ang oras habang tinutupok ng gunita.
"Comfort mostly lies in the depth of the words written."